Boracay Ngayon 2018

| June 12, 2018

Abril 26, 2018, hudyat ng temporaryong pagsara sa Isla ng Boracay.

Nag-ugat ang lahat dahil sa sandamakmak na basura, beach encroachment at maruming tubig na humahalo na sa dagat dulot na rin ng overdevelopment ng isla patunay na rito ang mga naglalakihang hotel at iba’t ibang establisyemento na animo’y kabuteng bigla na lang nagsulputan.

Tanong ng marami paano naaprubahan ang mga ganitong negosyo kung hindi naman pala compliant sa mga environmental laws? Bakit din sa tinagal-tagal ng panahon eh ngayon lang nadiskubre ang ganitong pagsalaula sa isang isla na una nang tinaguriang best tourist spot at summer getaway hindi lang sa Pilipinas kundi kilala rin sa buong mundo.

Kung sa mga Tourism Advertising sites napagandang pagmasdan ang Boracay na para ka ngang nasa paraiso kung saan ikaw ay makakapag-Relax. Pero pagdating mo mismo sa isla ang sasalubong sa iyo ay buhol buhol na trapik, basura, baha, masangsang na tubig mula sa mga estero, mga asong-galis at iba pang stray animals na pagala gala, isama nyo pa ang makukulit at walang disiplinang vendors at commissioners na madalas ay istorbo sa mga nagbabakasyong turista banyaga man o local, at marami pang iba kang mapupuna na taliwas sa kung ano ang dapat na imahe ng isla. Nasalaula na ang isla. Kawalan ng disiplina, mahinang law enforcement at kurapsyon ang ilan sa mga dahilan.

Minsan maisasambit mo sa iyong sarili, paraiso pa bang matatawag ang Boracay kung ganito ang aking madaratnan?

Nang ibinaba ang mandato na isara ang isla upang ito’y isaayos ng National Government marami ang umangal, kalimitan mga negosyante at investors dahil kesyo may iba raw na mas mabigat na dahilan sa pagpasara ng isla. Hindi environmental efforts kundi isa daw itong strategy upang mapagbigyan ang mas malalaking investors na mamumuhunan sa isla. Pero ano nga ba ang totoo? Kung anuman ang tunay na dahilan, ito’y masalimuot na palaisipan.

Nakalipas na ang lampas isang buwan, ang dating isla na puno ng tugtugan, sayawan at kung ano pang palabas ay napalitan na ng tunog mga bulldozer na nagdedemolish ng mga establisyementong may paglabag sa mga environmental laws, isabay mo na ang road widening na sana ay noon pa rin sinimulan.

Sa kabuuan, ano na kaya ang mangyayari sa kalikasan sa Boracay kasama na ang mga tribung Ati at iba pang lokal na naninirahan sa isla? Sana nama’y isaalang alang din natin ang buhay ng nakararami at hindi lang ng iilan.

Sa muling pagbubukas ng isla sa turismo sana ay magsilbing aral sa ating lahat itong nangyari sa Boracay na “ang Kasakiman ay hahantong rin sa Kawalan.”

Ika nga sa isang awitin.. “hindi naman masama ang pag-unlad, kung hindi nakakasira ng Kalikasan.”

Comments